Manliligaw ni misis, tinarakan ni mister

MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y panli­ligaw sa kanyang misis, pi­nag­sasaksak ng isang 36-anyos na lalaki ang kanyang kapitbahay habang umiihi ito, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Kritikal ngayon dahil sa tat­long tama ng saksak sa likod ang biktimang si Gary, ng Harrison Donald Com­pound sa may FB Har­rison St., Pa­say City. Naka­ratay ito ngayon sa Pasay City Gene­ral Hospital.

Agad namang tumakas ma­tapos ang pananaksak ang suspect na nakilalang si Carlito Cielo, naninirahan din sa naturang compound, bitbit ang ginamit na armas

Sa imbestigasyon ng pu­lisya, naganap ang insidente sa madilim na bahagi ng Do­nald Compound sa F.B. Har­rison dakong alas-4:30 ng ma­daling-araw habang umiihi ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang lapitan ng suspect at undayan ng tatlong saksak.

Lumalabas sa imbestigas­yon na matagal nang may galit ang suspek sa biktima dahil sa mga sumbong na nanliligaw at pilit na sinusulot nito ang misis ng una ngunit hindi makumpronta ng harapan dahil sa kilalang siga ito sa lugar. Maaaring sina­mantala umano ng suspek ang pagkakataon habang abala ang biktima sa pag-ihi at doon ito inundayan ng saksak. (Danilo Garcia)

Show comments