14-anyos grinipuhan ng 17-anyos
MANILA, Philippines - Dahil sa selosan, sugatan ang isang 14- anyos na high school student nang saksakin ng isang 17- anyos na binatilyo nang makita ng huli ang una na katabi ang dati niyang syota habang naggigitara sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Kenneth Tamayo, 4th year high school, ng Sta. Cruz, Maynila sanhi ng saksak sa katawan.
Agad namang sumurender ang suspek na si Leo John Igos, isang out-of-school youth ng nabanggit ding lugar.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Remegio at Severino Reyes St., Sta. Cruz.
Nakaupo umano ang biktima at masayang nagi-gitara sa tabi ng isang babae nang biglang lumapit ang suspek at undayan ito ng saksak at mabilis na tumakas. Nabatid na nagselos ang suspek nang nakitang masayang katabi ng biktima ang dating nobya. Inihahanda na ang kaso laban sa suspect. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending