Ex-police, 3 pa, timbog sa karnap

MANILA, Philippines - Apat na hinihinalang mga karnaper ang nadakip ng mga tauhan ng National Capital Re­gional Police Office (NCRPO) sa magkakasunod na operasyon na nagresulta ng pagkakarekober sa siyam na kinarnap na sasakyan sa Parañaque City at Pasay City.

Iprinisinta kahapon sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ni NCRPO chief, Police Director Roberto Ro­sales ang mga naarestong suspek na sina Christopher Pelingon, 35; Felicito Roda, 41; Ricardo Guarino, 36, da­ting tauhan ng PNP at Louie Da­yon, 35, financier sa casino.

Narekober sa mga ito ang isang Mercedes Benz (XLA-865), Toyota Corolla (TDA-270), Nissan Serena (XJV-424), Mitsubishi Eclipse (YCZ-535), Ford Escapade (NUO-365), Toyota Echo (WTL-471), Toyota Revo (MGM-585) at dalawang Nissan X-Trail (ZAZ-340 at ZHP-818.)

Nabatid na isinailalim ang mga suspek sa matagal na surveillance operation ng mga tauhan ng Regional Traffic Enforcement Unit (RTEU).

Ayon sa ulat sangkot ang mga suspek sa pagbebenta ng mga tinatawag na “Talon” na mga sasakyan.

Nagpanggap naman na buyer ang ilang tauhan ng RTEU kung saan nadakip sina Pelingon at Roda sa tapat ng Pacific Grand Villa, Sto. Niño, Parañaque City habang sunod na bumagsak si Guarino sa tapat ng Maca­pagal Avenue, Pasay at si Dayon sa tapat ng Heritage Hotel sa kanto ng EDSA at Roxas Blvd., Pasay.

Nakumpiska kay Roda ang isang kalibre .45 baril habang nakuha naman sa posesyon ng dating pulis na si Guarino ang isang cal. 9mm na pistola at isang MOD GT-380 baril.

Sinabi pa ni Rosales na uma­abot na sa 14 na karna­per ang nadakip ng pulisya mula Hulyo 7, 2009 kabilang ang mga pulis na nasa akti­bong serbisyo na sina SPO3 Alfonso Nuevas at PO2 Ro­lando Manipolo. May 26 na kotse at 19 na motorsiklo na rin ang kanilang narerekober.

Show comments