Pulitiko, media protektor ng mga Jimenez, ibubunyag
MANILA, Philippines - Kinondena ng pamilya ni Ruby Rose Barrameda, ang biktimang natagpuang senemento sa drum, ang proteksiyon umanong ibinibigay ng ilang mamamahayag at pulitiko sa mga akusadong Jimenez.
Sa pagbubunyag kahapon ni National Press Club President Benny Antiporda papangalanan niya sa tamang panahon ang mga pulitiko at mamamahayag na may pagkiling umano sa pamilya Jimenez, na nakakasira sa imahe ng biktimang si Ruby, na wala nang kakayahang idepensa ang sarili.
Dumalo sa press conference na ito si dating beauty queen at actress na si Ro chelle Barrameda at abogado nitong si Atty. Ana Luz Cristal.
Nagpasalamat naman si Rochelle sa pinakahuling development ng kaso na tuluyan nang isinampa sa Malabon RTC. Gayunman, ikinalungkot ng pamilya Barrameda ang pagkaka-abswelto sa mister ni Ruby na si Manuel Jimenez III kaya plano maghain ng motion for reconsideration upang maisama sa kakasuhan si Manuel.
Matatandaan na sinampahan na ng DOJ ng kasong murder sina Manuel Jimenez II, kapatid nitong si Lope, Eric Fernandez Spike Discalzo, Robert Ponce alyas “Obet” at Manuel Montero, kamakalawa sa rekomendasyon ng panel na humawak sa preliminary investigation ng walang inirekomendang piyansa.
Nakatakda rin umanong maghain ang pamilya Barrameda ng petisyon sa korte hinggil sa kustodiya ng mga anak na naiwan ni Ruby sa kalinga ng ama nilang si Manuel Jimenez III. (Ludy Bermudo at Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending