Kahera sa QC hall, sinibak

MANILA, Philippines - Sinibak sa kanyang tungkulin ng pamunuan ng Quezon City Treasurer’s Office ang kanilang kahera na nawalan ng mahigit 500,000 libong piso mula sa kaniyang cash vault.

Sa isang pahinang memorandum na ipinalabas ni City Treasurer Victor Endriga, iginiit nitong kailangan munang pansa­mantalang tanggalin sa puwesto si Myrna Emalay habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso ng payroll theft o pag­kawala ng payroll money.

Ipinaliwanag ni Endriga na ang hakbanging ito ay para mabigyang daan ang malayang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Gayunpaman, si Emalay ay pansamantalang ililipat sa admi­nistrative section ng City treasurer’s office.

Nabatid sa mga paunang imbestigasyon ng pulisya na diumano’y dalawang beses palang binuksan ni Emalay ang cash vault bago ito lumisan ng opisina noong nakalipas na Huwebes, at posible umanong nakaligtaan na nitong isara ulit sa panga­lawang pagkakataon.

Tiniyak naman ni Endriga na maibibigay pa rin ang sweldo ng mga tauhan ng People’s Law Enforcement at kukunin ito pansa­mantala sa pondo ng City Treasury.

Kaugnay nito, nais ni Endriga na magpapalagay na rin ng closed circuit television cameras sa loob ng employees booth ng city treasurer’s office matapos ang insidenteng ito para sa security at surveillance purposes. (Angie dela Cruz)


Show comments