MANILA, Philippines - Isang chef o kusinero ang namatay nang pagsasaksakin ng kanyang kaibigan dahil sa pagtatalo sa renta ng kanilang inuupahang kuwarto sa Bagong Pag-asa, San Roque II, Quezon City kahapon.
Nakilala ang biktima na si Joseph Manuel Campos, 25, binata, na namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center bunga ng dalawang tama ng saksak sa dibdib.
Mabilis namang tumakas at nagtago ang suspek na si Michael Perez.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang pananaksak sa may harap ng inuupahang kuwarto ng biktima at suspek sa 274 Misare St., Agham road, Bagong Pag-Asa.
Nagtalo ang dalawang lalaki hingil kani-kanilang bahagi sa nirerentahang kuwarto. Hindi naman tinukoy sa ulat kung magkano ang bayad sa inuupahan nilang kuwarto.
Ayaw umanong magbigay ng share ang suspek kaya naging mainit ang pagtatalo hanggang sa magbunot ito ng patalim at saksakin ang biktima. (Ricky Tulipat)