MANILA, Philippines - Napatay ng kalabang grupo ng kabataan ang isang 17-anyos na high school student sa isang rambulan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nalagutan na nang hininga nang maipasok sa Tondo Medical Center ang biktimang si Alfredo Gusi ng Timoteo Paez High School at residente ng Patria st., Balut, Tondo dahil sa isang bala na tumama sa kaniyang likuran.
Kalalabas lamang ng bahay ni Gusi upang magtungo sa kalapit na tindahan nang makasama ang mga kaibigan at salubungin naman ng kalabang grupo din ng kabataan sa Rodriguez St., Barangay 134 Zone 2, Tondo.
Dalawa sa kalabang grupo umano ang nagpaputok ng baril sa biktima at isa ang tumama sa likod nito habang tumatakbong papalayo.
Ang mga kaibigan ng biktima ay nagkanya-kaniya ng takbo rin dahil sa takot na mabaril. (Ludy Bermudo)