MANILA, Philippines - Lasog ang buong katawan ng isang barangay tanod na ikinasawi nito makaraang mahagip ng isa sa dalawang nagbanggaang sasakyan sa West Fairview, Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Sr. Insp. Maximo Sabio, hepe ng Traffic Sector 5, ang biktima na si Nerio Royales, 57, may-asawa at nakatira sa Sitio Tibagan, West Fairview.
Ayon kay Sabio, si Royales ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Far Eastern University Hospital dahil sa pagkabagok ng kanyang ulo at pagkalasog ng kanyang katawan.
Kusa namang sumuko ang akusado na si Reynante Mangaoil, 31, driver ng Lekstar bus.
Sinabi ni Mangaoil na, pagdating ng kanyang minamanehong bus sa Dahlia St., West Fairview, bigla na lamang sumulpot ang isang delivery close van.
Dahil dito, nasalpok ng bus ang close van na hindi naplakahan at dahil sa bilis ng takbo ay tumalsik ang una hanggang sa mahagip nito ang nagrorondang si Royales.