MANILA, Philippines - Bukas ang palad ng mga miyembro ng Manila Police District na magbigay ng makakayang tulong-pinansiyal sa isang sibilyang tauhan ng Eastern Police District na kasalukuyang nakaratay sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, Quezon City matapos maputulan ng kanang braso dahil sa aksidente na kinasangkutan niya at ng kanyang tatlong-taong gulang na anak na nasawi nang masagasaan ng isang bus sa ilalim ng Santolan cor. Edsa flyover noong Agosto 10. Ito ang nabatid kahapon kay MPD Director Rodolfo Magtibay na nagsabi na awtomatikong mag-aambag ang mga pulis para sa biktimang si Christine Gumabon na utility worker ng EPD. Nakaburol hanggang sa kasalukuyan ang bangkay ng anak nitong babae sa Quiogue Funeral Parlor at hindi pa mailibing dahil sa kakapusan ng panggastos. (Ludy Bermudo)