MANILA, Philippines - Sa loob ng limang taon, namantini ng Quezon City ang mataas na lebel ng sistema ng pangangasiwa sa pagkolekta ng basura sa lungsod bilang pagtalima sa pagpapahusay sa pangangalaga sa kapaligiran.
Kahit santanbak ang basura sa Quezon City, nagawa pa din nito na maibaba ang hauling expenses nito ng may P23 milyon kumpara noong mga nagdaan walong taon.
Ayon kay QC Mayor Feliciano Belmonte Jr., napahusay ng pangasiwaan ang flood control at drainage system sa lungsod gayundin ang mga programa sa paglilinis ng lagusan ng mga ilog dahilan para ma iwasan ang pagbabaha sa mga flood-prone areas dito.
Sa waste recycling, ang QC anya ay nangunguna sa pagsunod sa may 25 percent waste diversion target ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Kaya ng Quezon City na mai-divert ang may 38 porsyento ng basura sa pamamagitan ng iba’t ibang recycling at composting initiatives.
Dahil sa epektibong solid waste management system ng QC, ang lunsod ay nakuha ang 3rd Galing Pook Award for BEST Practices noong 2008.
Noong Abril 22 sa pagdiriwang ng Earth Day, nagpasa ang lokal na pamahalaan ng Green Building Ordinance upang palaganapin ang mga eco-friendly systems sa lahat ng gusali ng QC. Naimungkahi na rin ang paggamit ng LPG sa mga tricycle sa lungsod. (Angie dela Cruz)