Ex-cop todas sa anti-drug agents

MANILA, Philippines - Isang dating pulis ang napatay habang nadakip ang kasamahan nitong Chinese national makaraang makipagbarilan sila sa mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency na umaaresto sa kanila sa isang drug raid operation sa kanilang lungga sa lungsod ng Makati kahapon ng umaga.

Kinilala ni PDEA Director General Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago ang nasawi na si Nataniel Capitamia, dating­ may ranggong Police Senior Inspect­or, 31, at naninirahan sa D-2, 825 Addjustown Homes, Bacoor, Cavite.

Arestado naman ang kasamahan nitong si Hao Ching Chang, alyas Go Ang, Nilo Lim, 31, nanunuluyan sa Unit 3812 Joya Condominium Rockwell, Makati City.

    Sinasabing si Capitamia ay naalis sa pagkapulis dahil sa kasong AWOL at dati nang nasangkot sa kasong hulidap at iba pang kaso tulad ng droga.

Ang dayuhang Tsinoy na marunong mag­­salita ng tagalog ay sinasabing sang­kot sa malawakang pagbebenta ng droga.

Sa ulat ng PDEA, nangyari ang insi­dente sa may unit na tinutuluyan ng Tsinoy makaraang lusubin ito ng tropa ng Complaint Reaction Unit sa pamumuno ni Chief Insp. Val Lopez para ilatag ang search war­rant laban sa una pasado alas 8 ng umaga.

Ayon kay Lopez, pagbukas ng pintuan, biglang bumungad sa kanila si Capitamia at sinimulang paputukan ang kanilang tropa sanhi upang gumanti sila ng putok.

Nakumpiska sa lugar ang isang kilo ng shabu at iba pang droga na nakapro­seso pa at isang kalibre .45 baril.


Show comments