Canadian national patay sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang isang Canadian National na umano’y consultant ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na umano’y makipag-palitan ng putok ng baril sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi base sa kanyang identification card na si Antonio L. Kcompt, nasa pagitan ng 30-35 anyos, at nanunuluyan sa White Plains Subd., Quezon City.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nangyari ang engkuwentro pasado alas- 3:15 ng madaling-araw sa may Geraffe St., Brgy. Ugong Norte ng nasabing lungsod.
Bago nito, nagsagawa ng surveillance ang mga operatiba ng PDEA-Metro Manila Regional Office (MMRO) sa paligid ng Green Meadows, White Plains at Corinthian Garden bunga ng report na pagkalat ng drogang cocaine at ecstacy dito.
Sinabi rin sa ulat na isang Toyota Altis na may plakang XEN-324 at isang Toyota Revo na may plakang ZSJ-127 ang may dala ng naturang droga.
Alas-3:13 ng madaling- araw ay namataan umano ng mga operatiba ng PDEA ang isang BMW na kulay silver na walang plaka papatawid ng Geraffe St. sa nasabing lugar kung kaya agad nila itong pinara.
Subalit sa halip na huminto ay binuksan umano ng Canadian National ang bintana at saka pinaputukan ang mga awtoridad. Dahil dito, agad na gumanti ng putok ang mga operatiba at pinuntirya ang gulong ng BMW na naging dahilan para mawalan ito ng control at sumadsad sa isang bakanteng lote.
Sa kabila nito hindi pa rin umano tumigil ang dayuhan at muling pinaputukan ang PDEA na nauwi sa palitan ng putok at magresulta sa kamatayan ng una.
Samantala, sa ulat ni PO3 Greg Maramag ng Homicide Section ng QCPD natanaw lang niya sa basag na salamin sa tabi ng drivers seat ang isang NBI Consultant Identification card, firearm license at permit to carry na nasa pangalan ni Kcompt, isang 9mm na baril at ilang pakete ng ecstacy at cocaine at ilang cash money.
Ayon pa sa QCPD hindi umano pinayagan ng PDEA ang mga im bestigador dito na makalapit at makapag-imbestiga maging ang SOCO team ay tumanggi rin ang PDEA na galawin ang crime scene at ang mga ebidensiya dito.
Giit ng QCPD, kung mayroong ahensiya na siyang may karapatang mag-imbestiga sa isang krimen partikular na ang ganitong kaso ay ang homicide section ng distrito hindi ang sangkot na ahensiya.
- Latest
- Trending