MANILA, Philippines - Pinatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Israeli national dahil sa pang-aabuso sa mga Pinay kapalit ang pangakong dadalhin ang mga ito sa ibang bansa.
Si Daniel Berner, 37, ay pinatapon palabas ng bansa sakay sa Cathay Pacific patungong Hongkong at Tokyo saka didiretso sa Tel Aviv, Israel matapos itong maaresto noong Hulyo 29 sa loob ng isang restaurant sa Greenbelt mall sa Makati City ng mga operatiba ng BI Law enforcement division (LED|).
Makikipagkita sana ang suspek sa isang bibiktimahin nito nang isagawa ang entrapment operation laban dito habang bitbit ang mission order na inisyu ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan.
Ayon kay BI-LED acting assistant Epifanio Lambino Jr, ang pagkakaaresto kay Berner ay bunsod sa reklamo ng isa sa maraming naging biktima nito .
Nagpanggapp umano ang suspek bilang isang Canadian kung saan gumagamit din ito ng iba’t ibang alyas upang makapang biktima ng mga Pinay at nakakapanloko sa pamamagitan ng email.
Pinapangakuan umano ng suspek ang mga biktima nito na pakakasalan sila upang makapunta sila sa Canada at ang kanilang magiging anak kung mabubuntis sila kaya’t hinihikayat niya itong makipagtalik sa kanya. Nadiskubre rin ng BI na wanted din sa Japan, Great Britain at Canada si Berner dahil din sa kahalintulad na panloloko kaya’t nagpalabas ng US$50,000 reward ang gobyerno ng Hongkong para sa ikadarakip nito.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumating sa bansa si Berner bilang turista subalit nadiskubre din na peke ang pasaporte nito. (Gemma Amargo-Garcia)