Bilyonaryong Tsinoy kinasuhan ng 2 maid
MANILA, Philippines - Pormal nang naghain ng reklamo sa pulisya kahapon ang dalawang housemaid laban sa bilyonaryong Tsinoy na kapatid ng isang business tycoon na umano’y nagmaltrato sa kanila sa loob ng ilang taon sa lungsod Quezon.
Ang mga biktima na itinago sa mga pangalang Marie, 19, at Lucia, 18, ay nagsadya sa tanggapan ng Women’s Children and Concerned Desk (WCCD) ng Laloma Station 1 ng QCPD kasama ang abogadong si Atty. Al Parreno para sa pormal na paghahain ng reklamo laban sa pamilya ni Mariano Tanenglian, negosyante at residente sa # 30 Sto. Domingo St., Brgy. Biak na Bato sa lungsod.
Ayon kay Parreno, kasong maltreatment at illegal detention ang maaring isampa ng mga biktima laban sa nasabing pamilya bunga ng umano’y naranasang trauma ng mga ito na hanggang ngayon ay dinadala pa rin.
Dagdag ng abogado, sa ngayon isinasailalim pa rin ang mga biktima sa physical at psychological examination upang maging maayos ang kanilang pag-iisip bago harapin ang kasalukuyang problema.
Samantala, tumanggi rin ang abogado na ipakausap sa mga mamamahayag ang mga biktima upang hindi umano mabigla sa sitwasyon ang mga ito.
Hindi rin tiniyak ni Parreno kung kailan ang nabanggit na complaint na isusumite sa piskalya dahil kailangan pa umanong pagpahingahin ang isipan ng mga biktima.
Magugunitang Agosto 10 nang irescue ng pinagsanib na tropa ng WCCD, Commission on Human Rights at grupo ng mga abogado ang biktimang si Lucia, matapos ipagbigay alam ni Marie ang dinaranas nitong hirap sa kamay ng pamilya Tanenglian. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending