MANILA, Philippines - Isang negosyanteng Indian national ang sinaksak at malubhang nasugatan matapos na pumalag sa holdap kahapon ng umaga sa Caloocan City. Nasa kritikal na kondisyon sanhi ng saksak sa kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang si Kulvin Dhutti Singh, 49, nanunuluyan sa A. Mabini St., Maypajo ng lungsod na ito. Nadakip naman ang suspek na si Ronald Guanzon, 26, ng Libis Espina St., Caloocan City habang nakatakas naman ang isang hindi pa nakikilalang kasama nito. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Sulib Alley, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lugar. Nabatid na naniningil ng pautang ang biktima sa nabanggit na lugar nang bigla itong lapitan ng suspek at tutukan ng patalim at nagdeklara ng holdap. Pumalag ang biktima na naging dahilan upang saksakin ito ng suspek. Papatakas na sana ang suspek, ngunit nadakip si Guanzon ng mga nagrespondeng pulis. (Lordeth Bonilla)