Pekeng NAPOLCOM employee tiklo sa entrapment
MANILA, Philippines - Inaresto sa entrapment operation ng mga awtoridad ang isang ginang na nagpakilalang empleyado ng National Police Commission (Napolcom) at nag-aalok ng pagpasa sa police entrance examinations kapalit ng malaking halaga.
Kinilala ni Superintendent Marcelino Pedrozo, hepe ng District Police Intelligence Operations Unit ng Quezon City Police District (QCPD-DPIOU) ang suspek na si Lilia Ladyaalam, 52, ng nasabing lungsod.
Ayon kay Pedrozo, si Ladyaalam ay nadakip sa may loob ng Tropical Hut branch na matatagpuan sa Congressional Ave. sa EDSA, Quezon City, ganap na alas-7:30 ng gabi.
Dinakip ito matapos ireklamo ng isang ginang na ayaw mag pabanggit ng pangalan na hiningan umano ng una ng P10,000 kapalit ang pangakong maipapasa nito sa exam ng Napolcom ang bagong graduate nitong anak sa kursong criminology sa darating na Oktubre.
Nagpakilala umano si Ladyaalam na empleyado ng Napolcom at sinisiguro sa biktima na makakapasok sa Philippine National Police (PNP) ang anak kapalit ng halagang P25,000.
Ngunit nang siyasatin sa Napolcom, hindi kabilang sa empleyado nito ang suspect kayat humingi ng tulong ang mga biktima kay Pedroso para magsagawa ng entrapment laban sa suspect.
Samantala, nang abutin ng suspek ang halagang P10,000 na marked money sa biktima ay agad itong inaresto at dinala sa nasabing himpilan, para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending