MANILA, Philippines - Hindi na pinakawalan kahapon ang isang 25- anyos na tricyle driver habang hinihingan ng paliwanag sa loob ng Manila Police District-Homicide Section nang isa-isa magsidatingan ang mga saksi na nagtuturo sa kanya na responsable sa pagpatay sa kanyang itinuturing na biyenan, sa Tondo, Maynila, noong Biyernes ng hapon.
Idiniretso na sa Manila Prosecutor’s Office at ipinagharap ng kasong murder at theft ang suspek na si George Andy Juan, alyas “Potpot”, asawa ng ampon ng biktima, ng Block 17 Lot 28 San Riser Ave., Llano Caloocan City dahil sa pagpatay sa kanyang biyenan na si Zenaida Rosales, 68, dalaga, kilalang nagpapautang sa lugar, na siyang may ampon sa misis nitong si Eleonor Rissa Juan, 27.
Nabatid na natuklasan ni Eleonor ang ina-inahan sa bahay nito sa #1327 G. Torres Bugallon St., Tondo, dakong alas-7 ng gabi na patay na at may gasgas ang leeg at may sugat ang ulo bunga ng malakas na pagkakapalo ng matigas na bagay.
Sinabi ni Det. Gerry Amores, may hawak ng kaso, ang suspek kasama ang asawang si Eleonor ay naunang inimbitahan sa tanggapan ng Homicide upang magbigay paliwanag sa pagkamatay ng biktima.
Nagkukunwari pa umano ang suspek na walang kinalaman subalit nasorpresa nang magdatingan ang ilang saksi na inimbitahan ng MPD at harapang itinuro ang suspek na huling nakitang lumabas sa bahay ng biktima bago ito natagpuang patay.
Ibinunyag din ng mga saksing kapitbahay na naririnig nilang sinisingil ang suspek sa utang nito sa biktima hanggang sa narinig ang malakas na pagtatalo sa loob ng bahay ng biktima.
Nagbigay din ng pagdududa kay Eleonor ang pagtanggi ng suspek na bisitahin ang kanilang nanay (biktima) kaya napilitan siyang mag-isang magtungo sa bahay ng biktima at doon natuklasang patay na ito.
Nabatid din kay Amores na napatay ng suspek ang biyenan dahil may utang umanong P40,000 ang suspek sa biktima na ipinambili ng tricycle.
Bukod sa pagpatay, narekober mula sa suspek ang ATM card ng biktima.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng MPD. (Ludy Bermudo)