MANILA, Philippines - Pinalawig pa ng Department of Justice (DOJ) ang kautusan sa Bureau of Immigration (BI) na naglalagay sa watchlist order laban sa pamilya Jimenez na sinampahan ng kasong murder ni Rochelle Barrameda.
Sa isang kautusan na nilagdaan ni Justice Secretary Agnes Devanadera, nakasaad dito na balido ang extension maliban na lamang kung kanya itong i-terminate kung saan kabilang sa nasasakupan ng watchlist sina Manuel Jimenez II, Lope Jimenez, Eric Fernandez, Spyke Descalso, Roberto Ponce a.k.a Boyet, Rudy at Manuel Montero. Ang pamilya Jimenez, na siya ring may-ari ng Buena Suerte Jimenez (BSJ) Fishing and Trading Inc. ay iniimbestigahan dahil sa pagkamatay ni Ruby Rose Barrameda matapos madiskubre ang bangkay nito noong June 10, 2009 na nakasemento sa isang drum sa karagatan ng Navotas Fish Port malapit sa BSJ sa Malabon matapos itong dukutin noong 2007.
Magugunita na si Montero na dating empleyado ng BSJ fishing industry ay itinuro ang pamilya Jimenez na siyang responsable sa pagpatay sa kapatid ni Rochelle na si Ruby Rose na asawa naman ni Manuel Jimenez II .
Pinagbasehan ng DOJ sa paglalagay sa watchlist ng pamilya Jimenez ang nakabinbing preliminary investigation at petition for review at base na rin sa kahilingan ng pamilya Barrameda upang hindi matakasan ng mga akusado ang mga kasong kinakaharap nila. (Gemma Amargo-Garcia)