Binata ninakawan bago tinodas

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng 28- anyos na binata na pinani­niwalaang pinatay muna bago pagnakawan ang natagpuan sa loob ng kan­yang condo­minium na tadtad ng tama ng saksak sa buong katawan kahapon ng madaling-araw sa lunsod Quezon.

Kinilala ang biktima na si Winton Lou Ynlong ng 108 Sun­rises condominium, Este­ban Abanda St. Varsity Hills, Loyola Heights sa nasabing lunsod.

Nakahandusay at naliligo sa sariling dugo sa loob ng kan­yang comfort room ang biktima nang matagpuan.

Ayon kay PO3 Elmer Bi­gornia ng Criminal Investi­gation and Detective Unit ng Quezon City Police District, bago ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima, isang kaibigan nito na si Jojo Flores ang tumawag sa adminis­trador ng condo upang i-verify ang kuwarto nito dahil hindi ito suma­ sagot sa kanyang tawag.

Nagpasya ang condo administrator na humingi ng tulong kay Flores at kinatok ang kuwarto ng biktima ngunit dahil hindi sumasagot ay nagpasya ang mga itong puwersahin na ito.

Nang mabuksan ay bu­mulaga sa kanila ang nag­kalat na gamit dito hanggang sa matagpuan ang biktima sa loob ng CR at isa nang ma­lamig na bangkay habang naka­tali ng nylon cord ang mga paa. (Ricky Tulipat)

Show comments