MANILA, Philippines - Hiniling ng grupong Pasang Masda sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board na dagdagan ng 50 sentimos ang minimum na pasahe sa pampasaherong jeepney.
Ito ang nabatid kay Pasang Masda President Roberto Martin na nagsabing inihain na nila kay LTFRB Chairman Alberto Suansing ang isa nilang mosyon para gawing P7.50 mula sa kasalukuyang P7 ang pasahe.
Sinabi ni Martin sa Balitaan sa Tinapayan na ginawa nila ang kahilingan dahil sa pagtaas muli ng halaga ng diesel na umaabot na sa P29.50 hanggang P31 bawat litro.
Umaasa ang Pasang Masda na mauunawaan ng publiko ang kahilingan na ibalik ang P.50 sentimos provisional fare na tinanggal noong Pebrero nang bumaba sa P24 kada litro ang halaga ng diesel na karaniwang ginagamit sa mga jeepney.
Sinabi pa ni Martin na isa pang dahilan ng kanilang mosyon ang patuloy na pagtanggi ng malalaking kumpanya ng langis na buksan ang kanilang mga book of account at ipa-audit.
Samantala, sinabi naman ni LTFRB Suansing na malamang na sa susunod na buwan pa maitakda ang pagdinig hinggil sa mosyon ng Pasang Masda