MANILA, Philippines - Dahil sa pagtatalo sa naiwang mana ng kanilang tatay, isang 30-anyos na binata ang pinatay sa saksak ng kanyang nakatatandang kapatid sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Roberto Raz, construction worker ng Saint John St., Republic Ave., Brgy. Holy Spirit, Quezon City sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ang kapatid nito na si Mariano Raz, 40, isa ring construction worker na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Nag-ugat ang krimen nang magtalo ang magkapatid sa mana partikular ang mga paupahang bahay na iniwan ng kanilang ama na nasawi kamakailan lamang.
Sinasabing ipinagkatiwala ng kanilang namayapang ama sa batang Raz ang nasabing ari-arian na ikinagalit ng kuya nito.
Nabatid na alas- 9 ng gabi nang komprontahin ng suspek ang biktima habang sila ay nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan sa harap ng kanilang bahay.
Sa pagtatalo ay nagpasya ang matandang Raz na umalis sa inuman, ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumalik na armado ng patalim.
Habang nakaupo ang biktima ay bigla na lamang itong sinurpresang saksakin ng kanyang kuya sa dibdib, saka mabilis na tumakas.
Agad namang itinakbo ng kanyang kainuman ang biktima sa Far Eastern University Hospital, ngunit makalipas ang ilang minuto ay namatay din. (Ricky Tulipat)