Pia Moran, 10 pa arestado sa droga
MANILA, Philippines - Labing-isa katao kabilang ang dating aktress na si Pia Moran ang naaresto ng mga tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang pagsalakay na ginawa sa isang tahanan na ginagawang shabu den sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon kay PDEA spokesman Derek Carreon, sa kasalukuyan si Moran o Susan Casino sa tunay na buhay, at ang 10 pang naaresto ay nakapiit sa kanilang tanggapan habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa mga ito.
Ang pagsalakay ay ginawa sa pamamagitan ng search warrant na ipinalabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Fernando Sagun Jr., pasado alas-8 ng gabi matapos makatanggap ng impormasyon ang PDEA na isang bahay sa Novali ches ang ginagawang drug den.
Sa isinagawang operasyon, naaktuhan si Moran at 10 pang mga suspect na nagpa-pot session.
Sinasabing minamantine ang naturang tahanan ng isang Reynaldo Langosa na matatagpuan sa Pechayan St., Brgy. Maligaya Novaliches.
Dekada 80 nang pumailanlang ang pangalan ni Pia Moran sa showbusiness dahil sa galing nitong sumayaw na naging ugat upang tagurian siyang “body language ng local showbiz.”
- Latest
- Trending