MANILA, Philippines - Iminungkahi ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing na dapat ay buhok sa halip na ihi ang kunin sa mga driver bilang drug test sa pagkuha ng mga ito ng drivers license sa Land Transportation Office (LTO).
Ang hakbang ay sinabi ni Suansing makaraang aminin na hindi sapat ang kasalukuyang screening system na ginagawa sa mga driver sa pagkuha ng lisensiya para matiyak na hindi ito gumagamit ng illegal drugs.
Anya, may kamahalan nga lang ang proseso ng drug test kung buhok ng driver ang kukunin pero mas epektibo ito dahil kahit ilan taon na gumamit ang driver ng illegal drugs, malalaman pa rin ito.
Hindi anya katulad sa ngayon na ihi lamang ang kinukuha sa drug test na kung iinom lamang ng pineapple juice ang isang adik na driver, kapag nagpapa-drug test, negatibo ito sa paggamit ng bawal na gamot.
“Para makapasa sa LTO, ang gagawin, abstinence ng dalawang linggo, nawawala yan. Kasi ang uri ng test na ginagawa pag nag-abstinence di mate-trace,” dagdag pa ni Suansing.
Binigyang diin ni Suansing na mas mainam na gawin na buhok ang kunin sa drug test para matiyak kung ang isang driver na nasasangkot sa aksidente ay gumamit o gumagamit ng illegal drugs.