MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office ang isang pinaghihinalaang notoryus na carnapping syndicate kasunod ng pagkakaaresto sa limang mga karnapper kabilang ang dalawang tiwaling pulis sa magkakahiwalay na operasyon sa Taguig City, kamakalawa.
Kinilala ni NCRPO Director Chief Supt. Roberto Rosales ang naunang nadakip na mga suspek na sina Florentino Arcilla Giron, Jr., 33, may-asawa; at Richard Decano, 31, kapwa residente ng Cubao, Quezon City.
Nakuha kay Arcilla ang isang unit ng Delica na may plakang RAC-249 at isang unit ng Hyundai Starex na may plaka namang ZJB 478 habang nakuha naman kay Decano ang isang unit ng Ford Lynx ( RAL-214); isang unit ng Honda Civic (ZCB-448); isang Mitsubishi Adventure (ZNN- 473 ), isang unit ng Nissan Urban (ZRB-834) at isang Mitsubishi L 300 FB (ZHP-682).
Sa follow-up operations, ayon kay Rosales dakong alas-12:20 naman ng madaling-araw kamakalawa ay sumunod na nasakote ang tatlo pang suspek na sina SPO3 Alfonso Nuevas alyas Boy Nuevas, 49- anyos, nakatalaga sa Manila Police Headquarters; PO2 Rolando Manipolo, 28, ng Caloocan City Police, at Miguel Gonzales, 23- anyos, motorcycle technician at nakatira rin sa Tondo, Manila.
Nasamsam mula kay Nuevas ang isang puting MIO Sporty (RH3614), isang itim na Yamaha MIO 2 Sporty na walang plaka, isang kulay gray na Honda XRM RS na walang plaka at isang itim na Honda XRM-135 na may plakang 9988-EE.
Nakuha naman kina Manipolo at Gonzales ang isang itim na Yamaha ZR MIO na walang plaka at isang itim ring Yamaha Sporty Miso na wala ring plaka.