MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ng Manila Police District-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD) ang pagsabog ng isang portable liquefied petroleum gas (LPG) na karaniwang gamit umano ng mountaineers na sumabog sa tabi ng isang simbahan sa Sta. Mesa, Maynila, ilang metro lamang ang layo sa (Petron) gasoline station.
Bukod sa pagkasira ng side mirror ng motorsiklo, inaalam kung may iba pang motibo ang suspek na inilarawan na 5’6’’-5’7’’ ang taas, may edad na 25-26, payat ang pangangatawan, unat ang buhok na nakitang nag-iwan ng portable LPG.
Sa ulat ni Senior Insp. Oliver Navales, hepe ng MPD-EOD, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang pagsabog ng LPG sa tabi ng isang basurahan sa harapan ng Gloria de Lutherian church sa #4461 Old Sta. Mesa, Maynila.
Nabatid na may nasunog na papel sa loob ng basurahan at nag-init ang katabing LPG kaya sumabog.