MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 27-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng dalawang hinihinalang mga bayarang “hitman” sa harap ng kinakasama nitong babae, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Patay dahil sa tinamong iba’t ibang tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Rodel Juanillo, ng Bronze St., Pilar Village, ng naturang lungsod.
Agad namang tumakas ang dalawang salarin na inilarawan lamang ng live-in partner ng biktima na si Jocelyn Acacio na nakasuot ng dilaw na polo-shirt, bull cap, at pantalong ma ong habang ang isa naman ay nakaitim na t-shirt.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi sa harapan ng bahay ng biktima. Nabatid na kabababa lamang ni Juanillo sa kanyang kotseng Toyota Rav 4 (ZPZ-878) habang naiwan naman sa loob si Acacio nang lumapit ang dalawang suspek sa biktima at bahagyang kinausap muna ito.
Nagulat na lamang si Acacio nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa makitang duguang bumagsak ang live-in partner at mabilis na tumakas ang dalawang salarin. Ayon naman sa isang kapitbahay ng biktima, una na niyang nakitang aaligid-aligid ang dalawang suspek sa kanilang lugar ngunit hindi masyadong pinansin.
Blangko pa naman ang pulisya sa posibleng dahilan ng naturang pamamaslang dahil sa wala namang maibigay na dahilan si Acacio na posibleng motibo sa krimen at wala ring alam na kaaway ng kanyang partner. (Danilo Garcia)