MANILA, Philippines - Tatlo pang organisado, armado at mapanganib na carnapping syndicates ang tinutugis ngayon ng PNP- Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ito ang ibinulgar kahapon kay PNP-HPG Director P/Chief Supt. Orlando Mabutas matapos iprisinta sa mediamen ang mga nakumpiskang luxury cars at sari-saring uri ng chop-chop nitong mga spare parts sa press briefing sa Camp Crame.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang malawakang manhunt operations laban sa grupo ni Roger Dominguez, alyas Ogie/Enrique Carl Lopez na pinaniniwalaang ring leader ng sindikato.
Ang nasabing mga sasakyan na aabot sa 12 ang bilang ay nasamsam ng mga operatiba ng PNP-HPG sa operasyon sa Villa Teresa Subdivision sa Angeles City, Pampanga noong Biyernes at sa operasyon sa Balagtas, Bulacan.
Sa raid sa Angeles City, Pampanga ay nakatakas si Dominguez at tinatayang may 20 nitong tauhan ayon kay Verzosa.
Nasamsam sa lugar ang apat na nakaw na mamahaling behikulo kabilang ang isang Toyota Land Cruiser 2008 Model na nagkakahalaga ng P4-M, limang rounds ng rifle grenade, pekeng mga plaka ng sasakyan, mga susi, personal na mga dokumento ni Dominguez at ammunition components.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) upang alamin kung may kasabwat na tiwaling empleyado ng ahensya ang sindikato ni Dominguez kaya madaling nairerehistro ang mga ninakaw na sasakyan. (Joy Cantos)