Retiradong US Army nilooban, tinodas
MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa pulisya kung totoong pagnanakaw ang dahilan ng pagpaslang sa isang 60-anyos na retiradong sundalo ng Estados Unidos makaraang madiskubreng wala nang buhay dahil sa tama ng bala sa katawan, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Nakilala ang biktima na si Irvin Conrell Dore, 60, dating miyembro ng United States Army, at naninirahan ngayon sa Purok 4, M.L. Quezon St., Bagumbayan, Taguig City.
Sa ulat ng Taguig City Police-Investigation and Detective Management Section, nagising sa magkakasunod na putok ng baril ang Pinay na misis ni Dore na si Janice, 29 , dakong ala-1:10 ng madaling-araw. Pinilit umano niya na bumangon kahit na bagong opera pa lamang siya sa matris.
Naabutan pa umano niya ang hindi nakilalang lalaki na agad na tumakas. Nang puntahan ang banyo ng bahay, dito niya nakita ang duguang bangkay ng kanyang mister na kanyang naisugod sa pagamutan sa tulong ng mga kapitbahay ngunit hindi na rin umabot ng buhay.
Idineklara naman ng ginang na nawawala ang may P45,000 cash na naka lagay umano sa bulsa ng bathrobe ng kanyang mister, maging ang mamahaling cellphone nito.
Mas masusing imbestigasyon naman ang ginagawa ngayon ng mga otoridad sa posibleng foul play matapos na mabatid na walang puwersahang pagpasok ang naganap sa bahay. Maaari umanong kakilala lamang ng biktima ang salarin na bumaril sa kanya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending