Kusinero bangkay na lumutang sa dagat
MANILA, Philippines - Isang 33-anyos na kusinero ng isang pampasaherong barko ang natagpuang patay na lumulutang sa Manila Bay sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Nabatid na kamakalawa pa ng hapon nawawala ang biktimang si Reil Salagada, may-asawa, stay-in cook ng M/V St. Joseph, na may rutang Bacolod-Manila at vice versa, hanggang sa maiwanan na ito ng biyahe.
Sa ulat ni Det. Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 9:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa Manila Bay sa Gate 4 ng Negros Navigation sa Pier 2, North Harbor, Tondo.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na si Reniel Salagada na hinahanap ng kaniyang mga kasamahan ang biktima noong Sabado ng hapon, Agosto 8, dahil pabiyahe na ang barko kaya napilitan na lamang na tumulak ang barko na naka-iskedyul umalis alas-6:00 ng gabi patungong Bacolod.
Umaga na ng Linggo namataan ng isang Sundy delos Reyes, construction worker ng Negros Navigation, ang palutang-lutang na bangkay ng biktima at inireport sa pulisya.
Posible umanong nahulog sa dagat nang walang nakakita ang biktima at walang indikasyong sinadyang patayin ito dahil sa kawalan ng sugat o galos.
Gayunman, aalamin pa rin kung may foul play sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Matatagalan pa umanong makumpleto ang imbestigasyon dahil kailangang hintaying bumalik sa Maynila ang barko. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending