MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga taong ‘nagpapagamit’ umano sa pananabotahe sa mga proyekto sa lungsod kung saan pinakahuli ang pagsasalpak ng bote ng cough syrup at panty sa inidoro ng bagong paayos na public ladies room sa labas ng Bulwagang Antonio Villegas Hall sa Manila City Hall.
Siniwalat ng alkalde ang isyung ito nang magdaos ng pulong sa mga barangay opisyal at residente ng District IV. Dahil sa pagbabara, kinalas ang inidoro at nakuha rito ng mga tauhan ni Engineer Armand Andres ang nasabing nakabarang bote at panty.
“Aksidente ba `yun o may mga taong gusto lang sirain ang anumang magandang nagagawa ng ating administrasyon?” tanong ng alkalde.
Ikinalungkot ni Lim na sinasabotahe ang kamakailan lamang ay pinuri ng mga guest ang comfort room noong idinaos ang daily healing masses para kay dating Pangulong Corazon Aquino.
Bukod pa rito, may mga ulat din na ang pagkawala ng street lights at mga posteng bakal sa lunsod ay sadyang ipinananakaw upang sirain ang proyektong pagandahin ang Maynila. (Ludy Bermudo)