Parak nanita ng driver, binoga
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang kagawad ng Philippine National Police matapos pagbabarilin ng isang taxi driver na tinangka niyang hulihin ang huli dahil sa paglabag sa batas trapiko sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si PO3 Manuel Manibog, nakatalaga sa traffic sector 1 ng Quezon City Police District at kasalukuyang ginagamot sa Saint Lukes Hospital bunga ng dalawang tama ng bala sa paa.
Nahihirapan naman ang awtoridad na maaresto ang naturang taxi driver dahil wala man lamang nakakita sa plaka nito nang mangyari ang insidente.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa harap ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue, Quezon City.
Nagmamando ng trapik si Manibog nang mapuna niyang nilagpasan ng suspek ang red light signal na labag sa traffic laws.
Pinara ni Manibog ang taxi ngunit huminto ito sandali at nang makalapit ang una ay saka muling pinaharurot ito papalayo hanggang sa pagsapit sa harap ng simbahan ay lumabas ang huli, bitbit ang baril at pinaputukan siya ng dalawang sunod sa paa. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending