MANILA, Philippines - “Wala na Neng, tinapos ko na ang buhay ng nanay mo,” ito ang huling binigkas ng isang mister sa harap mismo ng kanyang anak matapos saksakin ang kanyang sarili at pagsasaksakin ang kanyang misis sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.
Selos ang sinasabing ugat upang patayin sa saksak ng suspek na si Nilo Matira, 47, may-asawa, negosyante ng #067 Kalayaan D. Extension, Freedom Parked 5, Batasan Hills, Quezon City, ang kanyang misis na si Aida, 45, negosyante sa nasabi ring lugar.
Ayon kay PO3 Joseph Madrid ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, mismong sa harap ng kanilang anak na si Leonida, nasa hustong gulang, nagsaksak si Nilo upang tapusin na rin ang kanyang buhay matapos na gawin ang karahasan sa kanyang misis.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni Madrid na nangyari ang insidente pasado alas-12:00 ng hatinggabi nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay.
Sinasabing labis na pinagselosan ni mister si misis na umano’y may ibang lalake kung saan nagkaroon ang mga ito ng palitan ng maanghang na salita hanggang sa nanahimik ang silid nito.
Sa tulong ng ilang kapitbahay, isinugod si Aida sa Far Eastern University Hospital pero hindi na umabot dito nang buhay ang biktima.
Nasa malubhang kalagayan naman sa East Avenue Medical Center si Nilo habang isinusulat ito. (Ricky Tulipat)