Declogging operations sa Quezon City, pinalakas
MANILA, Philippines - Higit pang pinalakas ng Quezon City government ang proyekto nito patungkol sa declogging ng drainage system sa lungsod upang maibsan, kung hindi man tuluyang mawala ang mga pagbabaha sa ilang lugar dito dahil sa walang puknat na pag-ulan.
Ito ay makaraang atasan ni QC Mayor Feliciano Belmonte Jr. ang engineering department ng lungsod na i-maximize ang paggamit ng dalawang bagong biling vacuum sewer jet machines para sa declogging operations sa mga baradong manholes at kanal na puno ng mga basura na siyang ugat ng pagbaha.
Naglaan ang QC government ng P34.1 million para sa declogging machines kung saan ang isang makina ay may kakayahan na makalimas ng halos 5 cubic meters ng basura sa isang araw.
Bukod dito, inatasan din ni SB si City Engineering Department head Engr. Joselito B. Cabungcal na maglagay ng dagdag na inlets, desilting ng box culverts, dredging, rip-rapping sa mga creeks at drainage rehabilitation upang maibsan ang pagbaha lalo na sa mga lugar malalapit sa mga ilog. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending