Dutch national biktima ng riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang kilabot na “riding in tandem” gang na ang modus ay mang-agaw ng bag ng mga mamamayang umuuwi sa gabi matapos na isang turistang Dutch national ang nabiktima ng mga ito sa lungsod Quezon.
Ang biktima na personal na nagtungo sa himpilan ng Station 10 ng Quezon City Police para magreklamo ay kinilalang si Lucas Smits, 20, binata, nanunuluyan sa Dutch Embassy, Makati City.
Ayon sa sumbong ng biktima, nangyari ang insidente sa may Denver St., Cubao sa lungsod ganap na alas-10 ng gabi kamakalawa.
Naglalakad umano ang biktima sa lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalake at tinapatan siya sabay hablot sa kanyang knapsack at tumakas papalayo.
Ayon sa biktima, nagulat na lamang siya nang biglang agawin ang dala niyang bag, subalit dahil nakasakay ang mga ito sa motorsiklo ay wala na rin siyang nagawa.
Natangay sa biktima ang isang Ipod, Sony A-200 digital camera, Nokia 2610 cellphone, cash P4,000 at mga damit.
Ang dayuhan ay isa lamang sa maraming pedestrian na nabiktima ng nasabing grupo lalo na kung umuuwi ng dis-oras ng gabi. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending