MANILA, Philippines - Dahil sa walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan na nag-dulot ng mga pagbaha ay napilitan kahapon ang Department of Education-National Capital Region (DepEd-NCR) na suspindehin na ang mga klase sa preschool, elementarya at high school sa ilang mga lungsod sa Kalakhang Maynila base na rin sa rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar
Alas-12:30 kahapon ng tanghali nang tuluyang ideklara ni DepEd-NCR Director Teresita Domalanta ang klase sa naturang mga antas sa Valenzuela, Caloocan, Pasay, Manila , Taguig at Pateros.
Nabatid na ang suspensyon ng klase ay bunga na rin ng malakas na hangin at ulan na sinabayan pa ng matinding mga pagbaha sa nabanggit na mga lugar bunsod ng bagyong si “Kiko”.
Bunga naman ng naturang anunsiyo ng DepEd-NCR ay nagsuspinde rin ng kanilang klase ang ilan pang mga pribadong eskwelahan kahapon ng hapon.
Nilinaw naman ng DepEd na ang anunsiyo kahapon sa suspensiyon ng klase ay unang ginawa ng mga lokal na pamahalaan ng mga naapektuhang lungsod na kinatigan naman ng mga City School Divisions heads dahilan upang tuluyang pagtibayin na rin ito ng DepED-NCR. (Rose Tamayo-Tesoro)