MANILA, Philippines - Tinadtad ng bala na naging sanhi ng kanilang kamatayan ang katawan ng isang call center agent at kalaguyo nito ng bayaw ng una matapos na madatnan na magkasama sa loob ng kanilang inuupahang bahay sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot sina Kim Gerald Panganiban, 24, may live-in partner, residente ng 1542 Duhat St., Nagtahan, Sta. Mesa, Maynila at Analyn Enriquez, isa ring call center agent ng Baguio City, dahil sa mga tinamong bala sa katawan.
Tinutugis ng pulisya ang suspek na kinilalang si Noel Saludes, alyas “Daboy”, 24, security guard, bayaw ni Panganiban, na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ni Det. Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ni Panganiban.
Nabatid na dalawang linggo pa lamang na magkahiwalay dahil sa pag-aaway si Panganiban at live-in partner nitong si Weny Saludes, kapatid ng suspek, at may dalawang anak.
Dahil nakikitira ang suspek, naiwan siya sa bahay ni Panganiban kahit umuwi sa Cavite ang kaniyang kapatid at dalawang pamangkin.
Kahapon ng madaling araw, nang umuwi umano ang suspek sa bahay ni Panganiban matapos ang pakikipag-inuman sa mga kaibigan, nadatnan niya ang bayaw at ang kalaguyo nito na magkasamang natutulog.
Bago ang insidente, nabatid na nakita pa ng ilang residente na nakikipag-inuman ang suspek dakong ala-1 ng madaling-araw sa kaibigang sina Patrick Andrei Ilagan at Noel Veri, sa tapat ng kanilang bahay.
Natapos ang inuman dakong alas-3:30 ng madaling- araw at nang pumasok na sa kanilang bahay ang suspek, ilang minuto ang lumipas at nakarinig umano ng sunud-sunod na putok ang mga kapitbahay at maya-maya ay nakita ring nagmamadaling lumabas ang suspek.
Nang makasalubong pa umano ng suspek si barangay kagawad Allan Birosel, sinabi pa nito na may nangyaring barilan sa loob ng kanilang bahay. Nang imbestigahan, nakita ang limang tama ng bala sa katawan ni Panganiban habang anim na bala kay Enriquez na tumapos sa kanilang buhay.
Narekober ang susi ng suspect na ginamit sa door knob umano ng bahay ni Panganiban at wala ring nakitang nagulo sa bahay, indikasyong walang naganap na pambubuno o pagnanakaw.