MANILA, Philippines - Iligal na droga. Ito ang sinasabing umano’y ugat upang pagbabarilin hanggang sa mapatay ng dalawang salarin ang isang kagawad ng pulisya sa may Commonwealth Market kamakalawa ng hapon sa lungsod Quezon.
Kinilala ang biktima na si PO3 Jerry Samson Martinez, 44, nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Malabon City Police at nakatira sa 233 Old Village Association, Marian St., Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.
Matapos ang isinagawang pamamaslang ay basta na lamang ito iniwanan ng mga salarin ng naka-computer type na brown envelope na may nakasulat na katagang “PUSHER, WAG TULARAN, SUSUNOD KA NA, DANIEL VERGARA”.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Homicide section Chief Insp. Benjie Elenzano, napatunayan nilang droga ang ugat ng nasabing pamamaslang nang magsagawa sila ng imbestigasyon sa Commonwealth Market sa Commonwealth Avenue kung saan naganap ang pamamaril at natuklasan nila na ang tinukoy na “Daniel Vergara” ay isang kilala umanong drug pusher. Dahil dito, bagama’t hindi kinukumpirma ng QCPD na pusher ang biktimang pulis ay posibleng may kinalaman sa droga sa nasabing pamamaslang.
Ayon sa ulat, alas-3:30 ng hapon nang pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan na armado ng kalibre .45 baril si Martinez habang ito ay nakatayo at nakikipag -usap sa kanyang mga kaibigan sa nasabing palengke. Siyam na tama ng bala ng baril ang bumaon sa katawan ng nasabing pulis na agad nitong ikinamatay.
Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang QCPD kaugnay sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)