Ipinosas sa riles ng tren: TODA prexy pinarusahan ng NPA
MANILA, Philippines - Bineberipika ngayon ng Muntinlupa City Police ang ulat ng pagsalakay umano ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at pagpaparusa sa isang pangulo ng isang “tricycle operators and drivers association (TODA)” na ipinosas sa riles ng tren dahil umano sa mga sumbong ng katiwalian at pang-aabuso nito.
Nagtamo rin ng sugat sa ulo makaraang paluin ng baril ang biktimang si Sammuel Lizardo, 45, pangulo ng Alabang Tricycle-Drivers-Operators Association at residente ng Phase 6 Alabang, Muntinlupa.
Sa ulat ng Muntinlupa police, naganap ang pagsalakay ng mga nagpakilalang miyembro ng Alex Boncayao Brigade (ABB) dakong alas-10 kamakalawa ng umaga sa may Montillano St., sa Phase 6 Alabang.
Nakatayo umano ang biktima nang biglang paluin sa ulo ng baril ng mga suspek at kaladkarin patungo sa riles ng tren kung saan dito siya ipinosas.
Namahagi naman ng mga subersibong dokumento ang mga umano’y makakaliwang rebelde at ipinahayag na pinatawan nila ng mababang parusa si Lizardo dahil sa mga kasalanan umano nito tulad ng pananakot at pagsasamantala sa mga maliliit na tricycle driver sa pamamagitan ng paghingi ng donasyon nang hindi ipinapaliwanag kung saan napupunta ang malaking halaga ng perang nakokolekta.
Nakasaad pa sa kalatas na may ilang pulitiko ang nasa likod ng illegal na aktibidad ni Lizardo na nilagdaan ng isang Carlito Manawag.
Wala namang naabutan ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 nang rumesponde sa lugar makaraang makatakas na ang mga salarin.
Dito na pinakawalan si Lizardo bago ito isinugod sa ospital ng Muntinlupa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending