3 Intsik timbog sa P.5-milyong shabu

MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tinatayang P.5 milyon halaga ng hinihinalang “shabu” sa tatlong Chinese national kabilang ang isang babae sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Kasalukuyang nakapiit sa MPD-Station 3 detention cell ang mg suspek na sina  Ping Wang, 26; Zhi Wang, 35, at Jason Go 47. Ayon sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng Rizal Ave. at Ronquillo St., Sta. Cruz.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya na may nagaganap na bentahan ng illegal na droga sa naturang lugar  kaya’t agad silang rumesponde rito. Sa naturang lugar, ingi­nuso ng hindi pinangalanang “asset” ang mga suspek na nakatayo sa naturang lugar.

Kaagad umanong nilapitan ng operatiba ang mga suspek at ininspeksiyon ang mga ito subalit tinangkang tumakas ng mga ito ngunit napigilan sila ng ibang tauhan ng MPD.

Nang makapkapan ang mga suspek ay narekober sa mga ito ang ilang sachet ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o mas kilalang shabu na umaabot sa mahigit 100 gramo at may katumbas na mahigit P.5 milyon halaga na nag­resulta sa kanilang pagkakaaresto. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments