MANILA, Philippines - Sinisisi ng mga residente ng Maynila sa kabubukas na Abucay Pumping Station sa lungsod ang mas lalo pang paglala ng pagbaha sa kanilang lugar tuwing umuulan.
Ayon sa mga residente mula sa 2nd, 3rd at 4th District, hindi nawala ang pagbaha sa kanilang mga lugar bagama’t nagbigay noon ng katiyakan si City Engineer Armand Andres ng Manila City Hall na ito lamang ang nakikitang paraan upang mawala ang pagbaha.
Matatandaan na sinabi ni Andres na mawawala na ang pagbaha sa Maynila sa sandaling magawa ang nasabing pumping station.
Nabatid na umaabot na sa baywang ng mga residente ang baha sa R. Papa St., Avenida Ave.-Blumentritt, Dimasalang, Oroquieta at sa lugar ng Sampaloc tuwing umuulan ng malakas.
Napag-alaman sa mga residente na hinarangan uma no ang mga creek sa R. Papa St. corner Avenida kung kaya’t tumataas ang tubig bukod pa sa mga basurang tinatapon dito.
Lumilitaw na isang opisyal din mismo ng City Hall ang naapektuhan ng pagtaas ng baha samantalang wala namang bagyo. (Doris Franche)