MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na mekaniko matapos nitong balikan ang kanyang taya sa sugal sa isang lamayan kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot sa lugar ng insidente sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Fernando Fuentes, ng Gate 10 Area B, Parola compound Tondo ng naturang lungsod.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na Rommel, Larius at Jonjon na mabilis na tumakas matapos ang insidente. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa isang lamayan sa Gate 10, Area B, Parola compound, Tondo.
Bago maganap ang insidente, naglalaro umano ng baraha ang biktima at iba pang kalalakihan sa lamay ng kanilang kapitbahay nang lumitaw ang mga suspek na armado ng baril at niratrat ang mga naglalaro ng sugal.
Nagkanya-kanya ng takbo ang grupo ng mga nagsusugal subalit makalipas ng ilang minuto ay bumalik ang biktima upang kunin nito ang kanyang perang naiwan sa lamesa.
Lingid sa kaalaman ng biktima ay naroon pa rin ang mga suspek at muling pinaputukan sa ulo ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. (Gemma Amargo-Garcia)