8 K-9 dog na hanap ng COA, patay na - PDEA
MANILA, Philippines - Pawang nangamatay na ang hinahanap na mga K-9 dogs ng Commisson on Audit (COA) sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kung saan ang isa rito ay mayroon pang death certificates.
Ito ang sinabi ni PDEA Director General Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, bilang pag lilinaw base sa Annual Audit Report na ginawa ng COA sa taon 2008 sa isyu ng pagkawala ng mga K-9 dogs sa kanyang tanggapan.
Base sa ulat ng COA, ang PDEA ay may 13 K-9 dogs sa ilalim ng Work/Other Animals account.
Ayon pa sa ulat, sa 13 K-9 units, 8 dito ay hindi nasama sa bilang. Ang nasabing mga aso ay pag-aari ng dating National Drug Law Enforcement and Coordinating Center (DEP Center) ng PNP na inilipat naman sa PDEA matapos ang promulgasyon ng the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).
Ang naturang paglilipat ay naging epektibo sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order no. 227 ni Pangulong Arroyo na may petsang July 14, 2003.
Samantala, base naman sa ulat na isinumite ng hepe ng PDEA K-9 Group, ang 8 aso na sinasabing nawawala ay nasawi dahil sa sakit, bago pa ito umupo bilang hepe ng ahensiya. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending