Bulto ng mga armas nasamsam
MANILA, Philippines - Umiskor ang Philippine National Police, matapos masamsam ang bultu-bulto ng mga armas sa isinagawang serye ng operasyon laban sa loose firearms sa Central Luzon.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iprinisinta ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang mga nakumpiskang may 70 mga armas.
Ayon kay Verzosa ang pagkakakumpiska sa naturang mga armas na karamihan ay mula sa mga rebeldeng grupo at sindikatong kriminal ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng PNP laban sa naglipanang mga loose firearms o mga baril na walang mga lisensya.
Sa tala ng PNP , aabot sa 1.1 milyon ang kabuuang bilang ng mga loose firearms sa bansa na target mabawi ng mga awtoridad alinsunod sa Executive Order No. 817 na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Samantalang itinakda naman ang amnesty period para sa mga loose firearms sa ilalim ng National Firearms Control Program (NFCP) o ang mga baril na hindi naipa-renew ang mga lisensya at mga hindi dokumentado sa buong buwan ng Oktubre ng taong ito.
Kabilang sa naturang mga nasamsam na mga baril ay 5.7mm Japanese heavy machinegun, cal.30 machinegun, M79 grenade launcher, AK 47s, M16s, mga rifles, shotguns at hand-guns na itinurnover ng Police Regional Office (PRO) 3 sa NFCP National Secretariat sa Camp Crame. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending