Ibinebentang pang-injection mineral water lang; med rep timbog sa pekeng flu vaccines
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating medical representative ng isang kilalang kompanya ng gamot, na nag-negosyo ng pekeng flu vaccines upang pagsamantalahan ang publiko sa kalagitnaan ng takot sa AH1N1 flu, sa entrapment operation na isinagawa sa San Pedro, Laguna, sa ulat kahapon.
Tinatayang aabot sa P4-milyong halaga ang mga pekeng flu vaccine na nasamsam mula sa mga kahon na ibinebenta sa halagang P3,000 ang isa na nadiskubreng mineral water lang ang taglay ng vials.
Agad na ring nagbabala si NBI director Nestor M. Mantaring sa publiko na alamin kung isa sila sa nabiktima ng suspek na si Jennifer M. Cristobal, 28, negosyante at residente ng #19 Lily St., Sampaguita Village, San Pedro, Laguna. Si Cristobal ay dating medical representative ng Sanofi Pasteur.
Sinabi ni Deputy Director for Special Investigation Services (SIS) na nagreklamo ang mismong Sanofi Pasteur, ang kompanya na gumagawa ng iba’t ibang pharmaceutical products vaccines, kabilang ang VAXIGRIP (Inactivated Influenza Vaccine) sa tanggapan ni NBI Anti-Fraud and Computer Crimes Division (AFCCD) Assistant Regional Director (ARD) Vicente de Guzman III hinggil sa nasabing “VAXIGRIP” na ipinapakalat at ibinebenta sa Laguna, na may tatak na Sanofi Pasteur product.
Nang magsagawa ng surveillance at test buys, natukoy na ang suspek na may-ari ng KNJ marketing and/or Prime Gold Ent. at 19 Lily St., Sampaguita Village, San Pedro, ang pinanggagalingan ng nasabing pekeng bakuna. Nang makabili ang nagpanggap na buyer ng 2 pirasong 5 ml. vials ng VAXIGRIP Multidose ay ipinasuri ito at natuklasang mineral water lamang ang laman.
Sa bisa ng search warrants ng San Pedro (Laguna) Regional Trial Court (RTC) Branch 31, sinalakay ang establisimento ng suspek noong Biyernes (Hulyo 24).
Nadakip ang suspek nang muling magbenta ito sa poseur-buyer at nasamsam sa kaniya ang may 180 vials ng VAXIGRIP vaccines, 10 kahon ng syringes, Prime Gold Enterprises official receipts, delivery receipts, certificate of product registration, labels, marketing paraphernalia, computer set, telefax at printers na gamit sa mga transaksiyon.
Nabatid na ang genuine VXIGRIP ng Sanofi ay nasa P4-libo ang halaga habang ang pekeng ibinebenta ng suspek ay P3,000. bawat vial.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Section 4 (a) kaugnay ng Section 8 ng RA 8203 ( Sale of Counterfeit Drugs) sa San Pedro Laguna Prosecutor’s Office si Cristobal.
- Latest
- Trending