Dentista naningil ng P1.2 milyon sa 'pasyente'

MANILA, Philippines - Isang dentista na opis­yal ng isang Oral Health Center ang inireklamo ng isang bangko dahil sa paniningil ng P1.2 milyon sa Master Credit card ng isang card holder na la­laki na hindi naman nila naging pasyente, sa ulat ng National Bureau of Investigation kahapon.

Sinampahan na sa Pasig City Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 ang sus­pek na si Sheila Theresa M. Galenzoga, chief managing dentist ng Dental First Oral Health Care Center na matatagpuan sa Unit 904 Medical Plaza Building San Miguel Ave­nue, Orti­gas Center, Pasig City.

 Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng Allied Banking Corporation sa pamama­gitan ni Abril Joel S. Llaneta, assistant manager ng Authorization and Fraud Management Unit ng na­sabing bangko sa Makati City.

Itinanggi ng suspek ang akusasyon at hindi rin pina­unlakan ang NBI na masilip ang medical records ng isang Harry S. Tan Sr., isang card holder ng Allied Bank master card.

Na-monitor umano ng bangko ang transaksiyon ni Tan noong Marso 15, 2009 sa nasabing klinika nang magreklamo ito kung bakit siya nakaltasan ng P1.2 milyon credit master card sa Allied Bank.

   Sa statement account na inisyu ng Allied Bank kay Tan na may petsang Abril 6, 2009, lumalabas na may anim na magkaka­sunod na tig-P200,000 na may kabuuang P1.2 milyon ang nai-charge sa kaniya ng Dental First Oral Health Care Center na ginamit noong Marso 15, 2009 lamang.

Nang ipakita ng bangko ang charge slips na pir­mado ng cardholder, iti­nanggi ni Tan na sa kanya ang lagda sa charge slips at itinanggi din na gumamit siya ng nasabing Master Card sa nasabing klinika sa nabanggit na petsa at hindi umano siya nagtungo doon. (Ludy Bermudo)


Show comments