Vendor sinapak ng MMDA men, patay
MANILA, Philippines - Kasalukuyang iniimbistigahan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority na nanapak at nakapatay sa isang vendor sa isang clearing operation ng MMDA sa Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City.
Sinabi ni PO3 Joseph Madrid ng CIDU na nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng MMDA upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na kinabibilangan ng street operation group.
Sinabi pa ni Madrid na makikilala nila ang mga suspek sa pamamagitan ng plaka ng dump truck na sinakyan ng mga naturang enforcer nang maganap ang nasabing insidente.
Nag-ugat ang imbestigasyon nang mapatay ng mga suspek ang biktimang si Carlito Orisel, 49, may-asawa ng Sitio Gaya-Gaya, Brgy. Bahay Toro sa naturang lungsod.
Nauna rito, nagtitinda si Orisel at ibang vendor sa harap ng Aristocrat Restaurant sa panulukan ng Congressional Avenue at EDSA sa nabanggit na barangay kahapon ng umaga nang dumating ang isang dump truck (SGS-642) sakay ang 10 MMDA employee na may bitbit na pamalong stick saka sinimulang itaboy ang mga nagtitinda dito.
Nakiusap pa si Orisel at ibang mga vendor nang kukunin ng mga tauhan ng MMDA ang kanilang mga paninda pero, sa halip na pagbigyan sila, nagalit at sinuntok ng mga suspek ang biktima na bumuwal sa semento at nabagok ang ulo na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Kahit nakita ng mga suspek na nawalan ng malay ang biktima ay patuloy pa rin sa kanilang operasyon ang mga ito kaya nagpasya ang ilang mga vendor na isugod na ang biktima sa Quezon City General Hospital kung saan ito idineklarang patay ni Dr. Marikit Peculia habang nilalapatan ng lunas.
- Latest
- Trending