MANILA, Philippines - Pinaluwas ng Manila para magtrabaho ang isang 17-anyos na binatilyo upang makaiwas sa kapahamakan sa probinsya dulot ng madalas na pagkakasangkot nito sa rambulan, ngunit tila ito rin ang nagdala dito sa kapahamakan matapos na mahulog sa ika-apat na palapag ng isang gusali na kanyang ginagawaan sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Basag ang bungo at nakadapa nang abutan ng kanyang mga kasamahan ang biktimang si Jessie Dohinog, tubong Negros Occidental, empleyado ng Niceman Construction Corporation, ng Banahaw St., Martin St., Cubao sa lungsod matapos na mahulog mula sa nasabing palapag.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may Regalia Tower Suits na matatagpuan sa Edsa corner P. Tuazon ganap na alas-11 ng umaga.
Bago ito, nasa naturang palapag umano ang biktima bilang helper na taga- hatak ng tali ng tuntungan ng mga kasamahan nito na nagpipinta ng gusali.
Ayon kay Ernie Aguilar, kasamahan ng biktima, dahil oras ng break time, nagpasya ang biktima na bumaba mula dito, kung saan habang naglalakad sa gilid ng pasimano ay bigla itong nadulas sanhi upang mahulog ito at dumiretso paibaba sa isang compound partikular sa Reyes compound malapit sa gusali.
Sinasabi ni Capili, ang pagbagsak ng katawan ng biktima ay padapa kung kaya labis na napuruhan ang mukha nito at mabasag na siyang agad na ikinamatay nito.
Nabatid na isang buwan pa lamang umano ito sa Maynila at pinasok bilang helper para mailayo sa gulo ng mga kabataan at para na rin makatulong sa pamilya. (Ricky Tulipat)