MANILA, Philippines - Nalutas na ng mga awtoridad ang naganap na serye ng pagpapasabog sa dalawang banko sa Camanava area kamakailan matapos masakote ang isang dinismis na tiwaling pulis na responsable sa insidente sa operasyon sa Caloocan City kamakalawa.
Sa press briefing sa Camp Crame kinilala nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Roberto “Boysie” Rosales ang suspect na si dating PO3 Leandro Songcuan. Natunton ang suspect sa kanyang tahanan sa Vista Verde, North Avenue Kaybiga, Caloocan City.
Ayon sa ulat, isang foreign trained bomb expert technician at dating miyembro ng Special Weapons and Tactics Team (SWAT) at Bomb Squad sa Caloocan City at Valenzuela City Police Stations ang suspect bago ito nadismis sa serbisyo.
Binanggit pa na nadismis sa serbisyo sa PNP noong 2004 ang suspect matapos itong mabuking na sangkot sa serye ng robbery/holdup sa Camanava area at iba pang lugar sa Metro Manila.
Nabatid na si Songcuan ay may dalawang nakabimbing warrant of arrest sa kasong robbery with threats and intimidation. Walang inirekomendang piyansa sa nasabing naligaw ng landas na parak.
Si Songcuan ay positibong itinuro ng mga testigo na siyang naghagis ng bomba sa ATM ng Union Bank sa Valenzuela City noong Hulyo 13 at Allied Bank Branches sa Caloocan City noong Hulyo 13.
Sa isinagawang search operation sa bahay ng suspect ay nakumpiska ang mga sangkap sa paggawa ng pampasabog.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong arson at illegal possession of explosives laban sa nasakoteng dating pulis.