MANILA, Philippines - “Huwag mong iwanan ang nanay mo.”
Ito ang huling hinabilin ng isang 53-anyos na estibador sa kaniyang anak na babae bago nabaril na ikinamatay nito, habang papasok ng kaniyang trabaho, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Namatay sa pinangyarihan ang biktimang si Armando Figueroa, ng Sta Isabel St., Tondo, na magtamo ng bala sa mukha.
Tinutugis naman ang mga di pa kilalang suspek na umano’y pawang menor de edad at armado ng di nabatid na kalibre ng baril.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng isang bahay sa 1050 Carmen Planas St., Tondo.
Nauna rito, habang naghahanda umano ang biktima para pumasok sa kanyang trabaho ay kinausap nito ang kanyang anak na si Andrea Marie at sinabihan na “Anak huwag mong iwanan ang nanay mo.”
Naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang lapitan siya ng ’di nakilalang mga suspek na umano’y pawang mga menor de edad pa at walang sabi-sabing pinagbabaril ito sa mukha na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Nagulat ang live-in partner ng biktima, na kinilalang si Winnie, nang balitaan siya ng kapatid niyang si Flor, na patay na ang asawa niya at nakahandusay pa sa kalye.
Sinabi ni Winnie sa imbestigador, na bago bumaba ng bahay ang kanyang mister ay tila may premonisyon na naghabilin sa kanilang anak.
Wala pang nakikitang motibo sa pamamaslang ang pulisya. (Ludy Bermudo)