MANILA, Philippines - Upang lalong mapalakas ang Comprehensive Livelihood and Emergency Employment Program ng pamahalaan magsasagawa ang Department of Labor and Employment, ng 3rd Serbisyo Caravan para sa mga empleyadong nawalan ng trabaho sa Building 64, Celery St. FTI Complex, Taguig City bukas (Hulyo 25) mula alas-8:00 ng umaga – 5:00 ng hapon. Ang naturang programa ay magbibigay ng trabaho, kakayahan at livelihood programs para sa mga na-displaced at disadvantaged workers pati na rin sa kanilang pamilya. Inilunsad din ito bilang tugon sa direktibang ipinalabas ni Pangulong Gloria Arroyo para masagip ang mga empleyado sa nagaganap na global economic downturn. Kamakailan lamang, naapektuhan na rin ng krisis ang mga manggagawa ng Triumph International, Star performance Company at Goodyear Philippines kung saan ang pangasiwaan ng mga ito ay nagdesisyon magsara sa darating na Agosto na nangangahulugan na aabot sa 1,700 ang mawawalan ng trabaho. Kung kaya ang DOLE at DOE ay magbibigay ng iba’t ibang programa sa isang venue sa pamamagitan ng local govt. units at ang susunod nilang stop ay sa Muntaparlas area. Sa isang araw na event, magkakaroon ng Diskuwento Caravan, government sponsored flea market kung saan makakabili ang mga manggagawa at consumers ng mga commodities at gamot sa mababang halaga. Ito rin ay mayroong job fair kung saan may 50 local employers at 20 overseas recruitment agencies ang handang magbigay ng trabaho. Maaari din mag-log-on na lang ang mga naghahanap ng trabaho sa Phil-Jobnet and Employment. Aalalay din dito ang ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sector tulad ng Philihealth, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, National Bureau of Investigation at PAG-IBIG fund, magsasagawa din ng skills training ang TESDA – NCR at pagbibigay ng scholarship coupon; business counseling naman ang ibibigay ng Meralco Foundation Inc.